Photobucket

Sunday, February 6, 2011

Ika-5 Linggo sa Karaniwang Panahon (Taon A) Pebrero 6, 2011

 

Mabuting Ballita: Mateo 5: 13-16 
Asin at Ilaw

               "Kayo ang asin ng sangkatauhan. Ngunit kung ang asin ay mawalan na ng alat, paano pa ito mapapaalat muli? Hindi ba wala na itong kabuluhan kundi ang itapon at tapakan ng mga tao?
               "Kayo ang ilaw ng sanlibutan. Ang isang lunsod na nakatayo sa ibabaw ng burol ay hindi maitatago.Wala din namang taong nagsisindi ng ilaw at pagkatapos ay inilalagay iyon sa ilalim ng malaking takalan. Sa halip, inilalagay iyon sa talagang patungan upang matanglawan ang lahat ng nasa bahay. Gayundin naman, dapat ninyong paliwanagin ang inyong ilaw sa harap ng mga tao upang makita nila ang inyong mabubuting gawa at papurihan ang inyong Ama na nasa langit." 

Pangninilay

             Tayo daw ang asin at ilaw ng sanlibutan? At ang sabi pa, paliwanagin daw natin ang ating ilaw. Ngunit papaano natin mapaliliwanag ang ating ilaw, pano tayo magniningning upang papurihan ang ating Ama na nasa langit? Ang sagot ay nasa unang pagbasa, (Isaias 58:7-10)  Ang mga nagugutom ay inyong pakainin, ang mga walang tirahan ay inyong patuluyin. Ang mga walang maisuot ay inyong bigyan ng mga damit. At sa mga nangangailangang mga kamag-anak ay huwag kayong magkakait. Kung magkagayon, sisikat ang liwanag sa inyo, at matutulad kayo sa bukang-liwayway,... kapag ang nagugutom ay kusang-loob ninyong pakakainin, at tutulungan ang mahihirap, sisikat ang liwanag sa inyong nasa kadiliman, at ang inyong kapanglawan ay magliliwanag gaya ng sa katanghaliang-tapat.
              Ganun pala! Kailangan lang ang "Corporal Act of Mercy" na ito upang tayo ay magliwanag.


Featured Song

Liwanagan Mo, Hesus  
from "O, Bayan ng Diyos" album by Himig Heswita
Listen:  12 Liwanagan Mo, Hesus.wma

Masdan natin ang ating daigdig:
Ginawang tahanan ng D'yos nating mahal.
Ngunit sa pagdaan ng maraming panahon,
Nabalungan ng kadiliman at nauhaw sa pagmamahal.

Damhin natin ang kalooban:
Ginawang himlayan ng Diyos nating mahal.
Ngunit sa pagsapit ng sigwa at tag-init sa ating buhay,
Nawalan ng malay at nanlamig sa pag-ibig.

Liwanagan Mo, Hesus, ang aming buhay!
Yakapin Mo ang 'Yong bayan, sa 'Yo'y naghahanap.
Ang matalinhagang ilaw Mo't pagmamahal,
Pumapawi ng karimlan.

Liwanagan Mo, Hesus, ang aming buhay!
Ipakita Mo ang 'Yong mukha at kami'y maliligtas.
Kapayapaan at dangal isinag Mo,
At maninibago ang wangis ng Iyong mundo

Ang tawag ni Hesus, pakinggan.
Isabuhay natin mithi ng Kaharian.
Magpawi ng gutom, sa uhaw magpainom,
Sa nasugatan ay magpahilom, sa maysala, magpatawad.


Liwanagan Mo, Hesus, ang aming buhay!
Yakapin Mo ang 'Yong bayan, sa 'Yo'y naghahanap.
Ang matalinhagang ilaw Mo't pagmamahal,
Pumapawi ng karimlan.

Liwanagan Mo, Hesus, ang aming buhay!
Ipakita Mo ang 'Yong mukha at kami'y maliligtas.
Kapayapaan at dangal isinag Mo,
At maninibago ang wangis ng Iyong mundo

Kaharian ng Maykapal sumasaatin na
Sa pamamagitan ni Hesus!

Liwanagan Mo, Hesus, ang aming buhay!
Yakapin Mo ang 'Yong bayan, sa 'Yo'y naghahanap.
Ang matalinhagang ilaw Mo't pagmamahal,
Pumapawi ng karimlan.

Liwanagan Mo, Hesus, ang aming buhay!
Ipakita Mo ang 'Yong mukha at kami'y maliligtas.
Kapayapaan at dangal isinag Mo,
At maninibago ang wangis ng Iyong mundo

No comments:

Post a Comment